Hindi mauubusan ang Noypi sa mga ganitong "pantawid-gutom", ito na marahil yung bersyon natin ng "fastfood". Libutin natin ang mga kalye at eskinita at ating tikman, langhapin, at pagmasdan...ang pagkaing SARILING ATIN.
Bibingka. Bigas na malagkit na niluto sa palayok sa ibabaw ng uling. Karaniwang mabibili tuwing Pasko. Biko. Bigas na malagkit na may niyog sa ibabaw. Binatog. Mais na puti na may asukal, niyog, at gatas. Bopis. Puso at baga ng baboy na ginisa sa suka. Kilala it sa Bicol region na "Kandingga". Butse. Inihaw na lalamunan ng manok, pwede rin prito.
Calamares. Pritong pusit. Calamay. Malagkit na bigas na may niyog at asukal, nagmula ito sa Mindoro. Maraming klase nito sa bawat sulok ng Pinas. Camote cue. Pritong kamote na tinabunan ng tunaw na asukal. Carioca. Binilog na malagkit na bigas, pinirito at tinuhog sa stick. Cheese sticks. Hiwa ng keso na binalot ng lumpia wrapper at pinirito. Chicharon baboy. Balat ng baboy na tinimplahan at pinirito. Chicharon bituka. Isaw ng manok o baboy na pinirito. Chicharon bulaklak. Piniritong ewan ng isaw...basta masarap to. Chicken balls. Laman ng manok na binilog at pinirito. Astig kapag may sweet and sour sauce. Cutchinta. Malagkit na bigas at asukal na pula.Day-old chicks. Kilala sa tawag na "ODOKS", day-old na sisiw, pinirito at hinaluan ng suka. Empanada. Pinagmamalaki ng Batac, Ilocos Norte. May palamang longganiza, itlog, at ginayat na papaya. Pinirito at pinasarap pa ng Sukang Iloko. Fishballs. Binilog na laman ng isda, pinirito at pinasarap ng suka. Goto. Lugaw na hinaluan ng laman-loob ng baka, tinatawag din na "Congee" ng mga Tsekwa. Halo-halo. Pinagsama-samang matamis na saing, camote, macapuno, kaong, nata de coco, pinipig, gulaman, sago, beans, garbanzos, ube, at leche flan. Tinabunan ng yelo at binuhusan ng gatas. Sikat dito ang Razon's ng Pampanga. Helmet. Inihaw na ulo ng manok. Isaw. Inihaw na bituka ng baboy o manok. Kilala din na IUD ang isaw ng manok. Iskrambol. Kinayod na yelo na hinaluan ng gulaman, sago, at gatas. Kikiam. Giniling na karne na binalot sa balat ng tokwa. Pinirito at hinaluan ng suka. Kadalasan kasama ng squid balls at fishballs. Lomi. Noodle soup na gawa sa itlog. Longganiza. Lokal sausage ng Pinas. Maraming klase nito mula sa Vigan, Lukban, Ilokos, Batangas, at Iloilo.
Lumpia. Maraming klase nito tulad ng lumpiang basa, lumpiang hubad, lumpiang prito, lumpiang sariwa, lumpiang shanghai, at lumpiang ubod. Mais. Nilagang sweet corn na pinahiran ng butter at binudbudan ng asin. Mais con yelo. Ginayat na sweet corn na nilagyan ng yelo, asukal, at gatas. Mami. Simpleng noodle soup, kadalasang makikita sa mga kalye. Manggang hilaw. Masarap kung may bagoong alamang. Mani. Puwedeng nilaga, adobo, at binusa. Maruya. Saging na binalot ng harina ar asukal. Nilupak. Kamote o saging na nilagyan ng margarine at asukal. Palitaw. Malagkit na bigas na hinaluan ng niyog, asukal, at tinustang linga. Panara. Ginayat na papaya at laman ng alimasag, binalot tulad ng empanada. Madami sa Pampanga nito tuwing Pasko. Pandesal. Tunay na Pinoy almusal. Penoy. Itlog ng pato na nilagang Pinoy.Pinagmamalaki ng Pinoy ang iba't ibang klase ng Pancit na nagpapakilala sa bawat probinsya sa bansa. Narito ang ilan: Batchoy ng La Paz, Iloilo, Batil Patung ng Tuguegarao, Pancit Bihon ng Bulacan, Pancit Canton ng Tarlac, Pancit Habhab ng Lucban, Pancit Luglog ng Pampanga, Pancit Malabon, Pancit Molo ng Iloilo, Pancit Palabok, Pancit Puti, Pancit Sotanghon, at Pancit Miki.
Pares. Terno ng kanin, beef stew, at mainit na sabaw. Kadalasang makikita sa mga kalye ng Makati, Pasay, at Manila. Pusit. Inihaw na may palaman na kamatis at sibuyas. Puto. Giniling na bigas na nilagyan ng asukal at gatas at niluto ng steam-style. Puto bumbong. Giniling na malagkit na hinaluan ng ube flavoring at niluto sa steamer. Masarap ng may asukal, niyog, at margarine. Kwek-kwek. Nilagang itlog ng pato o manok na binalutan ng harinang kulay orange. Puwede din na gamitin ang balut. Sapin-sapin. Malagkit na bigas at gata ng niyog na niluto sa steamer. Iba-iba ang flavor nito depende sa kulay, may ube, macapuno, langka, at kutsinta. Binubudburan din ng niyog at latik. Siopao. Steamed pork buns, pwedeng asado o bola-bola. Siomai. Steamed pork dumplings. Sisig. Inihaw na mukha o batok ng baboy na hinaluan ng tinadtad na atay ng manok, sibuyas at sili at binuhos sa mainit na sizzling plate. Pinagmamalaki ng Pampanga at Tarlac. Sorbetes aka Dirty ice cream. Street ice cream na gawa sa prutas at iba pang flavors tulad ng ube, mangga, avocado, keso, chocolate, langka, buko, at strawberry. Squid balls. Binilog na laman ng pusit, pinirito at isinawsaw sa sweet and sour sauce. Suman. Ito ang isa pa sa may pinakamaraming klaseng kakanin sa Pinas. Gawa sa malagkit at binalot ng dahong ng saging o ng niyog. Iba-iba ito gaya ng Binagol ng Leyte at Budbod sa Kabog ng Tanjay, Negros Oriental.
Taho. Gawa sa giniling na soy beans o tofu na hinaluan ng arnibal at sago. Sa Baguio City, strawberry jam ang hinahalo. Tenga ng baboy. Inihaw na tenga ng baboy na tinatawag ding "Walkman". Tokneneng. Nilagang itlong ng pugo na binalot ng orange na harina mix at pinirito. Tupig aka Itemtem. Giniling na malagkit na bigas, kinudkud na niyog, gata, at molasses na binalot sa dahon ng saging at inihaw hanggang sa masunog ang balot na dahon. Kilala ang kakaning ito sa mga bayan ng Pangasinan, Ilocos Norte, at Isabela. Turon. Saging na saba na may asukal at langka. Binalot sa lumpia wrapper at pinirito. Tokwa. Pinakapaborito kong pamatid gutom. Pwedeng iterno sa goto o arroz caldo, pwede ring prito lang o kaya naman ay inihaw, masarap din kung may halong baboy. Ang aking "Feel Good Food".
Kapag nasa Pinas ka, hindi ka magugutom habang naglalakad ka sa kalye ng Maynila. Kahit saan ka tumingin may tindahan ni Aling Nena na pwedeng patirin ang uhaw mo at gutom. May mga tindahang permanente, may de-tulak, may mga tinayo sa tabi ng kalsada, may nilalako sa mga bahay-bahay, at meron din naman na nililigpit kapag naubos na ang tinda.
Napakaraming sikat na street foods sa Pinas. 68 lamang ang nabanggit ko at masasabing natikman na rin sa aking paglalakbay sa mga sulok ng bayan ni Juan.
Hindi lamang ito para sa mga taong walang oras na magluto o kaya naman ay tinatamad mamalengke, isa rin itong paraan upang itawid ang pang-araw araw na gastusin ng isang tipikal na pamilyang Pilipino na gustong kumita ng marangal. Parte din ito ng buhay na naipasa na mula sa iba't ibang henerasyon at pagpreserba na rin sa kulturang kinagisnan.
Para sa isang Juan Kalayaan, ang pagkaing Pinoy at simbolo ng iba't ibang kaugalian at katangian ng isang tao. Sari-sari man ang itsura at lasa ng pagkain, magkakaiba man sa kulay at ang mga rekadong hinahalo dito, kahit saan man dako ng mundo dalhin, sa timpla mo malalaman...ang sarap maging Noypi.
Salamat kina:
Sidney Snoeck ng My Sari-Sari Store (s.philippines@gmail.com)
Ivan Henares ng Ivan About Town (info@ivanhenares.com)
2 comments:
I am nοt pоsіtіѵe the рlace
you are getting youг info, but gгеat topic.
I must spend somе tіme finding out more or figuring
out mогe. Τhаnks foг fantaѕtic info I waѕ lοoking for thіs info
foг mу mіѕsion.
Alsо visit my web page Thailand Phuket Accommodations
Αt thіs moment ӏ am гeаdy tо ԁo my brеаkfast, when having
mу breаkfast comіng аgain to гeaԁ additiоnal newѕ.
my webpаgе - some Distinctive hotels Worldwide
Post a Comment